My Blog List

Thursday, September 15, 2011

Anino't Panaginip ni Eliah :1


Pahina 1

Minsan tinatanong ko sa aking sarili kung kaya ko bang ikuwento ang aking naging karanasan noong kabataan ko pa. Mga edad 17 ako noon nang dumating sa mura kong buhay ang kakaiba at di ko malilimutang karanasan.

Ilang araw lang nakakaraan ng magdaos ako ng ika-labing pitong kaarawan sa bahay ng aking Lola Azon, ang nanay ng mama ko sa kabundukan ng Nueva Ecija.

Napakagandang lugar ang lupang kinagisnan ko. Malayo sa polusyon kung ikukumpara sa kabayanan na kinaroroonan ng mga mama at papa ko. Napapaligiran ng mga matataas at mayabong na mga puno.

Malawak ang bakuran na nasasakupan ng lupain ng lola ko. Malaya ko itong nalilibot at madalas ding dito kami naglalaro ng mga kaibigan ko.

Mga kawayang pinagtali-tali ang bakod na nakapaligid dito na tinaniman pa ni lolo ng iba’t-ibang halaman sa gilid kaya’t kahit na ligaw na tao o hayop ay di basta makakapasok.

Marami ding mga alagang hayop ang lolo’t lola, gaya ng mga native na manok na malayang gumagala sa loob ng bakuran, itik at pato, may tatlong aso, tatlo rin ang kanilang native na baboy na kagaya rin ng mga manok ay malayang nakakagala sa loob ng bakuran..

Sayang ang kalabaw ng lolo dahil kamamatay lang noong nakaraang buwan.

Sabi ng lola ko ay yun daw sana ang ibebenta para makapag-aral ako ng kolehiyo sa susunod na semester. Mangiyak ngiyak pa nga si lola dahil yun lang daw ang maaari niyang itulong sa mama ko.

Napabuntung-hininga ako.

Nakahiga ako ngayon sa aking papag sa silid sa itaas ng bahay. Sa ibabang silid natutulog ang mag-asawang matanda.

Tatlo lang kami sa malaking bahay na yun. Tatlo ang silid sa itaas at dalawa naman sa ibaba.

Tumagilid ako sa pagkakahiga na nakaharap sa bintana.

Bahagyang liwanag ang banaag ko sa dilim. Galing ang liwanag mula sa nakabukas na bintana na hinahawi ng hangin ang kurtina.

Kita ko ang buwan. Animo’y kabilugan ng buwan. Subali’t sa makalawa pa.


Sundan sa next friday...


Ang mga pangalan ng tauhan at lugar o pangyayari ay di po sinasadyang mabanggit sa kuwentong nakapaloob dito.

No comments:

Post a Comment