
Pahina 2
Napatitig ako sa buwan na halos matakpan ng ulap. Magtatago sa likod ng ulap at pagkuwa’y lilitaw na parang nakikipaglaro sa akin ng taguan.
Naramdaman ko ang dahan-dahang paglamig ng hanging nagmumula sa nakabukas na bintana ng aking silid. Kaya’t bahagyang itinaas ko ang kumot hanggang dibdib.
Nakatitig pa rin ako sa buwan. Napakaliwanag at kayningning ng kanyang mga sinag.
Nakatitig pa rin… Titig… Hanggang ang buong kabuuan na lang niya ang nakikita ko.
Ibig kong luminga, lumingon at ikutin ng aking paningin ang buoong kapaligiran upang makita ko ang abot ng kanyang maningning na liwanag, ngunit tila magneto ang buwang hinihigop ang aking pansin.
Humihip ang hangin. Naulinigan ko ang galaw ng dahon sa puno. At ang paglapat ng mga bumabagsak na tuyong dahon mula sa mga sanga ng puno. Ang lagislis ng mga dahon ng kawayan na nasa gawi kong likuran.
Unang naramdaman ko ang mga siit at tuyong dahon ng damo sa aking talampakan. Pangalawa ang dampi ng malamig na hangin. Inapuhap ko ang kumot nguni’t namalayan kong nakatayo na pala ako.
Higit pa akong nagtaka kung bakit wala ako ni isang saplot sa katawan.
Nilibot ko ng tanaw ang paligid at malaking katanungan sa isip ko kung bakit ako nasa gitna ng kakahuyan.
"Ano ang ginagawa ko rito…?” bulong sa sarili ko.
Lumalakas ang galaw ng hangin sa paligid. Animo’y ipu-ipo at umaangat ang mga tuyong dahon paikot sa akin na tila sumasayaw.
Humutok din amg mga sanga ng puno na parang ibig akong haplusin. Pero walang bagay na dumampi sa katawan ko kahit na malakas ang hangin.
“Ano ba talaga ito..?” bulong kong muli. “Hindi ko maintindihan ang nagyayaring ito”
Gusto kong humakbang paurong. Palayo sa lugar na yun nguni’t wala akong lakas o tila isang tuod akong itinulos sa pagkakatayo.
Sa gawing kanan ay may mga huni ng maliliit na mga hayop akong naririnig, parang nag-uusap. Hindi karaniwan ang kanilang mga huni.
“Eliahhh… Eliahhh…” tinig na nagmumula sa di kalayuan..Sa gawing kaliwa ko.
Sundan sa next friday...
No comments:
Post a Comment