
Pahina 3
“Eliahhh…” papalapit ang tinig. Tila boses ng isang matandang babae.
“Huh..!” Dumilim ang paligid. Natakpan ng makapal na ulap ang buwan. Pumayapa ang kanina’y tila ipu-ipong hangin. Tumahimik din ang mga maliliit na huni ng kung anong uri ng mga hayop.
Lumangitngit ang pinto ng aking silid at bumukas, pumasok ang lola ko na tangan ang tiringking ilaw. Saka lang namalayan ko na nasa loob lang pala ako aking silid.
“Eliah, apo ko, hindi ka pa ba natutulog? Aba e, hating-gabi na ah.” Anang lola ko na nasa may pintuan ng aking silid.
“Hoo? A…e…nakatulog na po ako, lola, na…nagising lang po ako at gusto ko sanang isara ang bintana, parang nakaramdam kase ako ng ginaw eh…”
“O, siya sige, ako na apo ang magsasara ng bintana para ‘di ka na tumayo.” Ani lola at tinungo niya ang bintana.
Napansin kong parang may hinagis na bagay sa labas ng bintana ang lola bago niya tuluyang isara ang mga ito. Kapagkuwa’y humarap sa akin at ngumiti na hawak pa rin ang tiringki.
“Sige na apo, matulog kana ule, wala na ang hangin.” Bahagya pang itinaas ni lola ang kumot ko bago siya tuluyang lumabas ng aking silid.
Bumiling ako patalikod sa bintana at hindi ako agad pumikit. Iniisip ko lang kung anong bagay ang hinagis ng lola sa labas ng bintana. At ano ang ibig niyang ipahiwatig nang sabihin niyang “…wala na ang hangin…?”
Ilang beses ko na nga bang napansin na sa tuwing hatinggabi ay sinisilip niya ang aking silid. May sekretong di ko nalalaman kayang itinatago ang aking lola? Bakit nakasubaybay siya sa aking pagtulog? Ang mga katanungan ko sa aking isipan .Matagal bago ako nakatulog muli.
Muling nagpakita ang buwan. Maaliwalas ang buong kapaligiran. Banayad na ang hanging kanina lang ay tila unos.
Samantala.
Gising sa kanyang silid ang matanda. May hinahanap siya sa lumang cabinet na yari pa sa inukit na narra. Hinango ang mga nakasalansan na mga damit. Isa-isang iniladlad. Hanggang sa matagpuan niya ang isang piraso ng malapad na panyong puti. Naupo ang matanda sa gilid ng higaan. At inilatag ang malapad na panyo. Bakas sa mukha ng matanda ang pag-aalala habang pinagmamasdan ang panyo.
Maya-maya pa’y umusal siya ng mga litanyang s’ya lang ang nakakaalam. Nakapikit ang mga at nabukas ang mga palad na nakapatong sa nakalatag na panyo. Patuloy siya sa pagbigkas. Pabilis. Pabilis ng pabilis. Hanggang sa….
Sundan sa biyernes...

